Lungkot at saya: isang pag-aaral sa matibay na relasyon ng mag-asawang Pilipino at ang epekto ng social networking sites Jeric S. Maghirang... [et al.] - 2014 - 74 leaves : illustrations ; 28 cm.



KABUUANG LAGOM: Ang papel pananaliksik na ito ay may pamagat na "Lungkot at Saya: Isang Pag-aaral sa Matibay na Relasyon ng Mag-asawang Pilipino at ang epekto ng Social Networking Sites. Ang Pag-aaral na ito ay naglalayong malaman ang iba't ibang epekto ng social networking sites sa mga mag-asawang Pilipino na ang isa ay nasa ibayong dagat at kung paanong ito ay nakakaapekto sa kanilang relasyon. Mayroong anim (6) na napiling kalahok na pawang nagmula sa Lalawigan ng Rizal. Isa (1) sa bayan ng Binangonan, isa (1) sa bayan ng Morong, isa (1) sa bayan ng Tanay, dalawa (2) sa bayan ng Teresa at isa (1) sa Lungsod ng Antipolo. Ang pag-aaral na ito ay nilakipan ng matinding pagsusuri sa kaso o case study method sa anyong deskirptibo-kwalitatibong pananaliksik. Hindi na ito ginagamitan ng mga nyumerikal na datos datapwat nilalakipan ito ng isang masigasig at matinding pagpapaliwanag taglay ang malawak na pagbibigay din sa mga obserbasyon at datos na nakalap gamit ang researcher-made structured interview. Ang mga datos ay nagpapakita na mayroong iba't ibang epekto ang mga Social Networking Sites sa mga mag-aasawang Pilipino gaya ng pagiging tulay sa magandang komunikasyon, daan sa gawaing sekswal at romantiko, ugat ng tampuhan at hinala, pawi sa kalungkutan at daluyan ng temptasyon. Ang mga nabanggit na epekto ay maaaring negatibo o positibo sa kanilang pagsasama na nagdudulot naman ng lungkot o saya. Lumalabas rin na may kaugnayan sa pagkakaroon ng iba't ibang salik at suliranin sa relasyon ng mag-asawang Pilipino ang mga Social Networking Sites sa pamamagitan ng hinala, pagdududa at tampuhan. Masasabi naman na napapanatili pa din sa panahon ng modernong teknolohiya ang pagkakaroon ng matibay na relasyon sa mga mag-asawang Pilipino sa pamamagitan na rin ng tulong ng iba't ibang mga Social Networking Sites. Bilang kabuuang mungkahi, sa mga mananaliksik sa hinaharap, maaaring magsagawa ng pagpapatuloy ng pag-aaal ukol sa masamang epekto ng Social Networking Sites sa mga-asawang Pilipino at ang antas ng katatagang-loob ng mag-asawa na dumanas ng pagsubok sa relasyon. Maari ring bigyan pansin ang patungkol sa aspetong pinansyal ng mag-asawa at kung pano ito nakakaapekto sa kanilang pagsasama. Para naman sa mga mag-asawang Pilipino, hinihikayat ang responsableng paggamit ng iba't ibang mga Social Networking Sites upang hindi mapinsala ang relasyon bagkus ay mapatibay pa sa pamamagitan nito. Panghuli ay ang patungkol sa pamahalaan ng Pilipinas, nawa ay pamalagiin at palaguin pa ang pagkakaroon ng mga programang magpapatatag sa ugnayan ng mga mag-asawa upang kahit ano pa mang baryabol ang sumasalakay sa kanilang pagsasama ay mananatili ang isang matibay at di-mabubuwag na relasyon ng mag-asawang Pilipino.


Marriage.

HQ 734 / .L971 2014