Carasco, Veronica B.

Mga pamamaraan sa pagtuturo ng asignaturang filipino: Kwalitibong pananaliksik/ Veronica B. Carasco, Marry joy S. De lara[and] Maria M. Simeon - 2015 - x, 60 leaves; Illustration, 28cm.

Undergraduate Thesis


Sa paggawa ng pag-aaral na ito labing limang (15) guro sa Filipino ang naging tagatugon. Binuo ng mga mananaliksik ang ilang mga pamamaraan na kanilang ipinatupad upang maging malinaw at maayos ang isinagawang pag-aaral. Ang paghahanda ng mga gabay na talatanungan sa pagmamasid ng mga guro at ang pagkakapangkat-pangkat nito batay sa kanilang kasarian, edad, at bilang ng taon sa pagtuturo. Humingi ng tulong at pahintulot ang mga

maonanaliksik sa puno ng Linangan ng Edukasyon at sa Direktor ng Kampus para sa isinagawang pag-aaral matapos itong idipensa sa isang kolokyum.

Batay sa mga nakalap ng mga mananaliksik mula sa mga tagatugon ng pag-aaral na ito, natuklasan ang naging resulta sa nasabing pag-aaral. Halos mga babae ang naging tagatugon na binubuo ng labing isa (11) at apat (4) na lalaki. Nakahihigit ang bilang ng edad na (20-30) na binubuo ng walo (8) na tagatugon na sinundan ng edad na (31-40) na binubuo ng anim (6) at ang huli na may edad na (41-57) na binubuo ng isa (1) tagatugon.

Batay sa bilang taon sa pagtuturo ng mga tagatugon, nakahihigit ang bilang (1-8) na binubuo ng sampung (10) tagatugon sinundan naman ng bilang na (9-16) na binubuo ng apat (4) at ang huli ay ang bilang (17-24) na binubuo ng isa (1) na bilang ng taon sa pagtuturo. Batay naman sa mga pamamaraang ginamit ng guro sa pagtuturo ng asignaturang Filipino, natuklasan ng mga mananaliksik batay sa kanilang ginawang pagmamasid na ang Pamaraang Pabuod ay binubuo ng walong (8) tagatugon sumunod ay ang Pamaraang Araling Pagpapahalaga na binubuo ng tatlo (3), ang Pamaraang Pasaklaw na binubuo ng dalawa (2) at ang huli ang Pinagsanib na Paraan sa Pagtuturo ng Wika at Panitikan na binubuo ng dalawang (2) tagatugon na gumagamit ng pamaraang ito.

Batay sa pagmamasid na isinagawa ng mga mananaliksik nabuo ang mga sumusunod na konklusyon. Ayon sa pansariling datos ng mga tagatugon ay nangangahulugan lamang na batay sa kanilang edad at tagal ng pagtuturo ay
masasabi na ang guro ay epektibo at bihasa sa paggamit ng pamamaraang pampagtuturo. Ang pinakagamitin na pamamaraan sa pagtuturo ng asignaturang Filipino ay ang Pamaraang Pabuod. Ang pangunahing suliranin ng mga guro ay ang kawalan at kakulangan sa mga kagamitang pampagtuturo. Iminumungkahi na magkaroon pa ng mga makabagong teknik at pamamaraan ang mga guro sa pagtuturo ng asignaturang Filipino upang maging epektibo ang talakayan.

Base sa kinalabasan ng pag-aaral na isinagawa ng mga mananaliksik at konklusyon nabuo ang mga mungkahi para sa pagkakaroon ng mabisang paggamit ng mga pamamaraang pampagtuturo sa Filipino na siyang magiging daan patungo sa mataas na kalidad ng edukasyon

Magkaroon ng karagdagang programa tungkol sa edukasyon upang mapataas ang kalidad nito. Pag-ibayuhin pa ang pagtangkilik at paglaganap sa asignaturang Filipino. Bigyan ng higit pang panahon ang mga guro na dumalo sa mga programa tungkol sa Filipino tungo sa pagyabong ng kanilang pamamaraan sa pagtuturo. Maghanda ng mabisang programa at mga gawain sa pagpapaunlad ng kaalaman at maging sa kakayahan sa mga gawaing pampaaralan. Kinakailangan na magkaroon ng iba't ibang estratehiya ang gurong nagtuturo lalo na sa asignaturang Filipino na siyang makatutulong sa pag-unlad ng mga aralin. Bigyang pagpapahalaga ang mga itinuturo ng mga guro upang maging maayos ang kanilang paglalapat ng mga pamamaraang pampagtuturo. Magsilbing gabay ang pag-aaral na ito sa iba pang mananaliksik na may katulad ng ganitong pag-aaral.



LG 221. R59 / .C1766 2015